CORONAng TINIK

Posted: February 14, 2012 in Uncategorized
Tags: , ,

Sabi ko, mananahimik muna ako habang nililitis ng Impeachment Court ang kaso ni Chief Justice Renato Corona.  Sabi nga ng mga batikan at eksperto sa batas, innocent until proven guilty ang isang taong nililitis.

Oo nga, at tama ito.  Hindi porke’t inakusahan, may sala na.  Pero hindi rin nito ibig sabihin na dalisay at busilak ang pagkatao ng isang inakusahan.

Sa ilalim ng sistema ng hustisya na umiiral sa ating bansa, dapat eksakto at klaro ang akusasyon sa isang tao… kailangan nakuha sa tamang paraan ang ebidensya… at kailangan naayon sa mga “rules” ang paglilitis sa inakusahan.

Pero, ang nakakatawa dito, minsan napaka-tinik ng nililitis.  Minsan may mga taong nakakagawa ng kamalian na lantad na sa mata ng karamihan, pero nakakapuslit pa rin at taas noong nakakapaglakad sa ilalim ng tirik na tirik na araw na parang nagyayabang pa.

Parang pinamumukha sa lahat na, “Hoy, hindi niyo ito kayang tibagin!”

Higit pang nakakatawa dito ang bilang ng mga taong waring bumibilib pa sa isang taong nakakagawa ng mali pero hindi napaparusahan.

Astig! Ikanga. Astig nga.

Marami sa atin ang bumibilib talaga sa mga taong sobra-sobra ang katalinuhan at pagka-wais.  Heto iyong mga magagaling mambilog ng ulo, ang mga magaling manlito, at ang mga expert sa pagpapalusot.  Sila iyong mga kalimitang sinasabihan na, “Pare, ang galing mong magpalusot, dapat mag-abugado ka!”

At heto nga, maraming abugado ang pumapalakpak at humihiyaw sa bawat galaw ng taga-depensa ni Korona.  Lahat ng salag at lahat ng palusot, bentang benta.

Nakakalungkot talagang isipin na ang batas na dapat sana’y ginagamit para proteksyunan ang walang kapangyarihan ay nababaluktot upang maitago ang lantarang pagnanakaw sa kabang bayan at harap-harapang pang-aapi sa ordinaryong mamamayan.

Naalala niyo ba nuong tinanggal si Presidente Estrada? Walang basehan sa Saligang batas natin na pwedeng mailuklok sa posisyon ang dati’y bise presidente na si Gloria Arroyo nang hindi nagre-resign o namamatay ang hinirang na pangulo. Pero, ano ang nangyari?

Nailuklok pa rin siya sa pwesto.  Napalusot ng mga kaalyadong abugado at kinikilalang eksperto sa Saligang Batas ang pang-aagaw ng kapangyarihan.  Ikanga ng isang abugado at political analyst dati, kahit man ang baluktot na dahilan ay nagagawang diretso basta nasa kapangyarihan ka.

Lumarga ng siyam na taon at sa pamamagitan ng kapangyarihan, nagawang mapalusot ang lahat ng kamalian.

Sumambulat ang sukdulan sa kagalingan sa pagpapalusot noong lumabas ang tinig ni Arroyo sa tinatawag na “Hello Garci tapes”…  Mantakin niyo, huling huli na si Arroyo na nandaraya, nagawa pa nilang i-mane obra?!  Nag-sorry lang si Arroyo at parang bulang nawala ang napaka-laking kasalanan.

Hindi daw ebidensya ang “Hello Garci Tapes” kasi nakuha ito sa maling paraan. Hindi naman daw nakikipag-usap si Arroyo sa isang opisyal ng Comelec para mandaya kungdi para malaman lang ang kalagayan ng kanyang mga boto.

Matatandaan natin na si Kristo’y pinahiya at pinahirapan sa pamamagitan ng paglalagay sa ulo niya ng isang korona na gawa sa tinik.  Isang huwad na karangalan na simbulo ng pang-aalipusta’t pambabastos ang Koronang Tinik.

Sa mga nakaraang araw at mga dadaang pang araw, tiyak tuloy-tuloy ang panglilito sa atin at ang dapat sanang ebidensya ng katiwalian ay mapapalusot.

Pero, huwag sana tayong magpalito o magpa-buyo sa kaisipang puro ligalidad lang ang dapat tignan.  Ano ba ang silbi ng pagka-dalubhasa sa lahat ng may kinalaman sa batas kung resulta ay ang pagkakawalang sala ng isang nagbibigay ng proteksyon sa mga kilalang mapang-api, mapang-abuso, mandaraya at mandarambong.

Kung ganun na rin, wala na tayong pinagkaiba sa mga taong nagpawalang sala kay Barabas at hininging ipako sa Krus si Kristo.

Isang simple tanong lang naman ang dapat sagutin ng mga Senator Judges natin… NARARAPAT PA BANG MAGING CHIEF JUSTICE SI RENATO CORONA?

 

Comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s